NANINIWALA si Laguna Rep. Ann Matibag na ang pagsuporta sa mga produktong likha ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) ay pagkilala hindi lamang sa kanilang talento kundi maging sa kanilang kakayahang magbago at magsimulang muli.
Bilang chairperson ng House Committee on Women and Gender Equality, patuloy niyang isinusulong ang mga programang nakatuon sa livelihood, skills development, at rehabilitasyon ng mga marginalized sector, kabilang ang pagtataguyod ng mga produktong gawa ng mga PDL bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik sa lipunan.
Bilang simbolo ng kanyang paninindigan, isang handcrafted bag na likha ng mga PDL ang kanyang dinala sa pagbubukas ng Ikalawang Regular na Sesyon ng Ika-20 Kongreso.
Ayon kay Matibag, ang naturang bag ay sumasalamin sa paniniwalang ang bawat tao ay nararapat mabigyan ng oportunidad, suporta, at dignidad upang makapagsimula muli.
