SUMIKLAB ang tensiyon sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ilang oras bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes matapos magkasagupaan ang mga raliyista at mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD).
Bago ang SONA, iniulat ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) na hinarang umano sa Mindanao Avenue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Land Transportation Office (LTO), at Philippine National Police-Highway Patrol Group (HPG) ang grupo ng mga manggagawang bukid mula Central Luzon na patungo sana sa People’s State of the Nation Address (PSONA).
Ayon sa UMA, pinabalik umano sila ng mga awtoridad at hindi pinayagang tumuloy sa Department of Agriculture kung saan nakatakda ang kanilang programa. Iginiit din ng grupo na apat na sasakyan ng kanilang mga delegado ang dinala sa LTO at may isang tauhan ng PCG na sumakay pa sa isa sa kanilang pribadong sasakyan. Anila, wala namang malinaw na paglabag na ipinakita ng mga awtoridad bilang batayan ng paghuli.
Samantala, sa Commonwealth Avenue, ilang raliyista ang inaresto dahil umano sa vandalism, pagdaraos ng pagtitipon nang walang permit, at pananakit sa isang pulis.
Mariin namang itinanggi ng mga demonstrador ang mga akusasyon at iginiit na mapayapa nilang ginagamit ang kanilang karapatang magpahayag ng saloobin.
Dahil sa kaguluhan, bumigat ang daloy ng trapiko sa lugar at ilang sasakyan ang na-impound ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kabilang ang isang Toyota Innova na may pulang plaka at sticker ng Office of the President.
Nasira rin ang isang bus ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos umanong batuhin ng mga raliyista, na nagresulta sa pagkabasag ng isa nitong bintana.
Sa kanilang kilos-protesta, binatikos ng mga demonstrador ang umano’y kabiguan ng administrasyong Marcos sa iba’t ibang isyu, kabilang ang sinasabing anomalya sa flood control projects, patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, at kawalan umano ng napapanagot sa mga kontrobersiya.
Sa kabila nito, tiniyak ni QCPD Director Police Brig. Gen. Glen Silvio na inatasan ang lahat ng pulis na pairalin ang maximum tolerance habang pinananatili ang kaayusan sa panahon ng mga kilos-protesta.
Mahigpit din ang seguridad sa Batasang Pambansa Complex kung saan isinagawa ang SONA. Tanging mga may opisyal na SONA identification card lamang ang pinayagang makapasok sa loob ng gusali.
