NANINDIGAN si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na wala siyang ginawang anumang labag sa batas kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aminado ang kongresista na masakit para sa kanilang pamilya ang naging pahayag ng Pangulo, ngunit sinabi niyang iginagalang niya ito.
“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato,” ani Romualdez.
Iginiit din niya na dapat pairalin ang tamang proseso at hayaan ang ebidensya ang magpapatunay sa katotohanan.
“Sang-ayon ako na gawin natin ang tama. Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Romualdez na handa siyang harapin ang anumang imbestigasyon upang patunayang wala siyang nilabag na batas.
“Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa batas. At handa akong patunayan ito,” pagtatapos ng kongresista.
