LABINTATLONG katao, kabilang ang isang 17-anyos na menor de edad, ang inaresto ng Philippine National Police (PNP) sa isang operasyon laban sa umano’y ilegal na bentahan at paglilipat ng produktong petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG) sa Lucena City, Quezon.
Isinagawa ang operasyon noong Hulyo 27 sa Barangay Silangang Mayao ng pinagsanib na puwersa ng Regional Special Operations Unit 4A, Regional Intelligence Division 4A, Provincial Intelligence Unit ng Quezon Police Provincial Office, at Lucena City Component Police Station.
Ayon sa PNP, naaktuhan umano ang mga suspek na naglilipat ng mga produktong petrolyo mula sa mga tanker truck patungo sa mga intermediate bulk container, habang ang LPG naman ay inililipat mula sa tanker papunta sa mga silindro, na paglabag umano sa Oil Pilferage Law at LPG Industry Regulation Act.
Nasamsam sa operasyon ang ilang tanker truck, delivery vehicle, LPG cylinder, fuel container, mga kagamitang ginagamit sa paglilipat ng langis at LPG, at mga produktong petrolyo na may kabuuang halagang mahigit ₱16.2 milyon.
Sinabi ng PNP na bahagi ang operasyon ng pinaigting nitong kampanya laban sa smuggling at iba pang organisadong krimen na nakapipinsala sa publiko, mga lehitimong negosyo, at ekonomiya ng bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., layunin ng kampanya na hindi lamang ipatupad ang batas kundi tiyaking ligtas ang publiko laban sa mapanganib at ilegal na operasyon.
