AABOT sa ₱700 milyon halaga ng mga pekeng sapatos ang nasamsam ng Philippine National Police (PNP) sa isang Chinese-owned warehouse sa Barangay Alapan II-A, Imus City, Cavite sa ikinasang operasyon noong Agosto 3.
Ayon sa PNP, ang may-ari ng bodega na isang Chinese national ay kasalukuyang pinaghahanap at nahaharap sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite Provincial Field Unit, katuwang ang CIDG Regional Field Unit 4A, Bureau of Customs (BOC), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang law enforcement agencies, ang pagsalakay sa naturang bodega.
Batay sa Mission Order at Letter of Authority na inisyu ng Bureau of Customs, nagsagawa ng inspeksyon ang mga operatiba na nagsilbing deputized personnel ng ahensya.
Sa operasyon, nakumpiska ang libu-libong pares ng pekeng sapatos na may tatak ng mga kilalang international brands. Tinatayang umaabot sa ₱700 milyon ang kabuuang halaga ng mga kontrabando.
Lumabas sa imbestigasyon na ginagamit umano ang bodega bilang imbakan, packaging center, at bentahan ng mga pekeng at substandard na footwear na ipinamamahagi sa iba’t ibang lugar.
Lahat ng nasamsam na produkto ay isinuko sa Bureau of Customs para sa dokumentasyon at tamang disposisyon habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang iba pang sangkot sa ilegal na operasyon.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., hindi lamang paglabag sa intellectual property rights ang bentahan ng counterfeit goods kundi banta rin ito sa mga lehitimong negosyo at panlilinlang sa mga mamimili.
“Ang mga pekeng produkto ay sumisira sa lehitimong negosyo, nanlilinlang sa mga mamimili at nagpapalakas sa mga ilegal na operasyon. Patuloy nating hahabulin at papanagutin ang mga nasa likod nito,” ani Nartatez.
