MALAKING ginhawa para sa mga konsyumer ang iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na pag-refund ng Meralco ng humigit-kumulang ₱9.5 bilyong sobrang nakolektang bayarin sa loob lamang ng anim na buwan, ayon kay FPJ Panday Bayanihan Party-List Rep. Brian Poe.
Sinabi ni Poe na malaking tagumpay ito para sa mga customer ng kuryente dahil mas mabilis na maibabalik ang pera kumpara sa naunang mungkahi ng Meralco na isauli ang nasa ₱9 bilyon sa loob ng 36 na buwan.
“Mas mapapabilis ang pagbabalik ng pera sa ating mga konsyumer sa naging desisyon ng ERC. Mas malaki rin ito kaysa sa unang mungkahi ng Meralco,” ani Poe.
Ang direktiba ng ERC ay kasunod ng panawagan sa House Resolution No. 1126 na inihain ni Poe upang mapabilis ang refund ng overcollections ng power distributor.
Gayunman, iginiit ng mambabatas na hindi dapat magtapos sa refund ang usapin. Aniya, kailangang matiyak na tama, kumpleto at malinaw ang pagbabalik ng pera sa bawat kwalipikadong konsyumer.
Tiniyak din ni Poe na patuloy nilang babantayan ang implementasyon ng refund upang maprotektahan ang interes ng mga gumagamit ng kuryente.
