BAGSAK sa kamay ng pulisya ang isang PSR-listed rebel operative na wanted sa kasong murder at tatlong frustrated murder sa isinagawang operasyon sa Esperanza, Agusan del Sur.
Kinilala lamang sa alyas na “Kamandag” ang suspek na naaresto noong Hulyo 31 sa Barangay Giubonon ng pinagsanib na puwersa ng PNP.
Isinagawa ang operasyon ng 1304th Maneuver Company, RMFB 13, kasama ang 1st Special Action Battalion ng PNP-SAF at iba pang police units.
May nakabinbing warrant of arrest laban kay Kamandag mula sa RTC Branch 7 sa Bayugan City, Agusan del Sur.
Matapos ang pag-aresto, isinuko ang suspek sa Esperanza Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso.
Sinabi ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. na hindi titigil ang pulisya sa pagtugis sa mga indibidwal na sangkot sa karahasan at paglabag sa batas.
