SINUMULAN ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa magkakahiwalay na ulat ng mga abandonadong kabaong na nakita sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ayon sa PNP, bineberipika na ng mga concerned police units ang bawat insidente at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang alamin ang pinagmulan, dahilan ng pag-iwan, at posibleng paglabag sa batas o lokal na ordinansa.
Sinabi ng pulisya na isinailalim na sa kustodiya ang mga narekober na kabaong at iba pang materyales na nakita sa mga lugar bilang bahagi ng imbestigasyon.
Kasunod ito ng pagkalat ng mga video at social media posts tungkol sa mga naturang kabaong, na nagdulot ng espekulasyon online.
Hinimok ng PNP ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at umasa lamang sa opisyal na pahayag ng mga awtoridad.
Ang sinumang may impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon ay maaaring magsumbong sa pinakamalapit na police station, sa official PNP communication channels, o tumawag sa Unified 911.
Nangako ang PNP na maglalabas ng karagdagang impormasyon kapag nakumpirma na ang mga detalye ng imbestigasyon.
