ISANG tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y nakipagtalo sa mga law enforcer ng Land Transportation Office (LTO) matapos sitahin ang kanyang anak dahil sa pagharang sa daloy ng trapiko sa isinagawang roadside enforcement operation sa Lipa City, Batangas noong Agosto 12, 2026.
Nagsimula ang insidente nang sitahin ng mga tauhan ng LTO ang isang sasakyang ilegal na nakaparada sa national highway at nakahahadlang sa trapiko.
Ilang beses umanong inutusan ang driver na ilipat ang sasakyan sa itinakdang parking area ngunit tumanggi umano itong sumunod at kinuwestiyon ang awtoridad ng mga LTO enforcer.
Ayon sa LTO, ipinakilala rin umano ng driver ang kanyang sarili gamit ang identification badge mula sa isang pambansang ahensya ng pamahalaan.
Habang kinakausap ng mga LTO personnel ang driver, dumating ang kanyang ama sakay ng isang pickup truck at nagpakilalang tauhan ng NBI. Kinuwestiyon din umano nito ang awtoridad ng mga LTO law enforcer na nagsasagawa ng roadside operation.
Sa naturang komprontasyon, umano’y may mga binitiwang pahayag ang NBI personnel tungkol sa pagkakaroon ng baril.
Isinama ng LTO ang insidente sa imbestigasyon nito upang matukoy ang buong pangyayari at kung may mga paglabag na naganap.
Natuklasan din ng LTO na ang pickup truck ay umano’y may hindi awtorisadong blinker.
Dahil dito, naglabas ang LTO ng Show Cause Orders (SCOs) laban sa rehistradong may-ari at driver ng pickup truck at inatasan silang humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office upang magbigay ng paliwanag at magsumite ng mga kinakailangang dokumento.
Kabilang sa mga iniimbestigahang paglabag ang hindi awtorisado o ilegal na paggamit ng blinker at pagiging hindi karapat-dapat na driver ng sasakyan.
Maaari umanong mauwi ang mga paglabag sa suspensyon o pagbawi ng lisensya, depende sa resulta ng imbestigasyon at sa kaukulang proseso.
Iniutos din ng LTO ang pagsuko ng hindi awtorisadong blinker sa itinakdang pagdinig. Inimbitahan din ang mga LTO enforcer na nakasaksi sa insidente upang magbigay ng kanilang mga pahayag.
Bilang pansamantalang hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ipinataw ng LTO ang 90-araw na preventive suspension sa lisensya ng driver.
Isinailalim din sa alarm status ang pickup truck.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ginagawa lamang ng kanilang mga law enforcer ang kanilang tungkulin upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga kalsada.
“Ang ating mga law enforcer ay ginagawa lamang ang kanilang tungkulin upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga kalsada. Walang posisyon o identification ang dapat gamitin upang kuwestiyunin o hadlangan ang lehitimong pagpapatupad ng batas,” ani Lacanilao.
Dagdag pa niya, patuloy na ipatutupad ng LTO ang mga regulasyon sa trapiko nang patas at alinsunod sa batas.
Sinabi rin ng opisyal na pananagutin ang sinumang mapatunayang lumabag sa mga patakaran, anuman ang kanilang posisyon o identification, alinsunod sa due process.
Patuloy naman ang enforcement at road-clearing operations ng LTO upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, mapalakas ang road safety, at matiyak na pantay na naipatutupad ang mga regulasyon sa lahat ng motorista.
