MANILA — Tuluyan nang inalis ng Department of Agriculture (DA) ang temporary ban sa pag-aangkat ng domestic at wild birds mula Japan matapos ideklarang ligtas na ang bansa laban sa highly pathogenic avian influenza (HPAI) o bird flu.
Sakop ng lifting ang day-old chicks, hatching eggs at iba pang domestic at wild birds, na muling maaaring ma-import mula Japan matapos ang halos isang taong paghihigpit dahil sa bird flu outbreak.
Batay sa risk assessment ng DA, negligible o napakababa na ang posibilidad na makapasok ang HPAI sa bansa mula sa mga poultry import ng Japan.
Sinabi ng DA na nakatanggap ito ng opisyal na kumpirmasyon mula sa Japan Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries na natapos na ang outbreak at wala nang bagong kaso. Kinilala rin ng World Organisation for Animal Health ang Japan bilang malaya sa avian influenza alinsunod sa international animal health standards.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., nakabatay sa siyensya ang desisyon upang matiyak ang suplay ng de-kalidad na breeding materials habang pinoprotektahan ang lokal na poultry industry.
Mahalaga ang Japan bilang source ng high-quality breeding stock at hatching eggs, na ginagamit ng mga poultry producer para mapalakas ang produksyon at genetics ng mga alagang manok.
Gayunman, nilinaw ng DA na hindi ibig sabihin ng pagtanggal ng ban ay luluwag ang biosecurity measures.
Mananatili ang veterinary inspection, quarantine protocols at iba pang import requirements upang maiwasan ang pagpasok ng animal diseases.
Ang bagong Department Circular No. 40 ay magkakabisa 15 araw matapos mailathala sa opisyal na website ng DA at maihain sa Office of the National Administrative Register, bago tuluyang maibalik ang poultry trade sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
