NAUWI sa madugong trahedya ang rambulan ng dalawang grupo ng mga kabataan matapos mapatay sa saksak ang isang Grade 11 student sa Pasong Putik, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Police Lt. Col. Timothy Aniway, hepe ng QCPD Station 16, nagsimula ang gulo sa isang bilyaran bandang alas-9 ng gabi matapos magkaroon ng pagtatalo ang grupo ng biktima at mga suspek.
Mula sa loob ng bilyaran, nagtuloy ang gulo sa kalsada kung saan naghabulan at nagsuntukan ang mga kabataan.
Sa gitna ng rambulan, umano’y bumunot ng patalim ang isa sa mga suspek at sinaksak ang biktima sa dibdib at hita.
Isinugod ang binatilyo sa Commonwealth Hospital ngunit hindi na ito nakaligtas dahil sa tindi ng mga sugat.
Isa pa sa mga kasama ng biktima ang nagtamo ng pinsala sa ulo matapos umanong hampasin ng bato.
Bandang alas-11:45 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa ospital tungkol sa mga sugatang kabataan.
Sa follow-up operation ng QCPD, naaresto ang isang 18-anyos na suspek at dalawang menor de edad, edad 15 at 16, na umano’y sangkot sa insidente.
Lumabas sa imbestigasyon na pawang mga Grade 10 at Grade 11 student ang mga kabataang sangkot, bagama’t magkakaibang paaralan ang kanilang pinapasukan.
Nakapiit na sa custodial facility ng Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal ang 18-anyos na suspek at nahaharap sa reklamong homicide at physical injuries.
Samantala, ililipat naman sa Bah ay Pag-asa ang dalawang menor de edad na suspek alinsunod sa proseso para sa mga batang nasasangkot sa krimen.
Hindi muna nagbigay ng pahayag ang pamilya ng nasawing estudyante.
