MULING bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang babae na sinasabing sangkot na sa 28 kaso, matapos umanong mangupit ng wallet ng isang mamimili sa loob ng supermarket sa Barangay Novaliches Proper, Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente dakong alas-10 ng umaga nitong Martes.
Lumapit umano ang suspek sa biktima habang namimili at inalok ito ng libreng tissue at suka. Sa gitna ng kanilang pag-uusap, sinamantala umano ng babae ang pagkakataon upang mailihis ang atensyon ng biktima at palihim na dukutin ang wallet nito.
Matapos makuha ang wallet, nagpatuloy pa umano sa pag-iikot sa mga pasilyo ng supermarket ang suspek na tila walang nangyari.
Napansin naman ng biktima na nawawala ang kanyang wallet kaya agad itong humingi ng tulong sa security personnel ng establisimyento.
Nang rumesponde ang mga pulis, agad nilang natunton ang suspek sa loob ng supermarket at naaresto. Nabawi rin mula sa kanya ang wallet ng biktima.
Batay sa rekord ng QCPD, umabot na sa 28 kaso ang naitala laban sa babae mula pa noong 2014. Sa naturang bilang, 23 ang may kaugnayan sa pagnanakaw, kabilang ang theft at pickpocketing.
May mga kaso rin umano itong estafa at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Nagmula ang mga kaso sa Quezon City, Manila, Marikina, Caloocan, Pasay, Camarines Norte at Aklan.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at haharap sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office.
