HINDI bababa sa 50 insidente ng kaguluhan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga estudyante ang naitala ng Philippine National Police (PNP) mula Hunyo 16 hanggang Agosto 19, 2026.
Batay sa datos ng PNP Public Information Office (PIO), pinakamarami sa mga naitalang insidente ang 26 bomb threat, habang 12 naman ang shooting threat.
Apat na insidente ng pananaksak at apat na pagkakaaresto dahil sa ilegal na pag-iingat ng baril ang naitala rin. Dalawang insidente naman ng aktwal na pamamaril at dalawa pang death threat ang iniulat sa naturang panahon.
Hindi nagbigay ang PNP ng detalye kung saang mga paaralan at lugar naganap ang mga insidente.
Muling umigting ang panawagan para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan kasunod ng magkahiwalay na pamamaril sa Tacloban City at Zamboanga City.
Noong Hunyo 22, tatlong estudyante ang nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City. Dalawang menor de edad naman ang naaresto kaugnay ng insidente.
Samantala, nitong Martes ay isa na namang madugong school shooting ang naganap sa compound ng Ateneo de Zamboanga University. Nasawi rito ang isang Grade 10 student at ang Grade 9 student na itinuturong gunman.
Dahil dito, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na pinag-aaralan ng kanilang tanggapan ang posibilidad na repasuhin ang umiiral na mga polisiya para sa seguridad ng mga paaralan.
Kabilang umano sa maaaring suriin ang security protocols ng mga pribadong paaralan upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at iba pang kawani.
