HINDI matitinag ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y malawakang kickback scheme sa flood control projects kahit binawi ng dating Marine personnel at bodyguard na si Orly Guteza ang kanyang mga naunang alegasyon laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa Ombudsman, mayroon itong 28 iba pang saksi na maaaring maglahad ng direkta at mahalagang impormasyon kaugnay ng mga transaksiyong iniimbestigahan.
Sinabi ng anti-graft body na hindi nakasalalay sa iisang testigo ang kanilang kaso dahil nakakalap na ang mga imbestigador ng impormasyon mula sa iba’t ibang sources.
Kabilang umano sa 28 saksi ang mga aktibong uniformed personnel na kasalukuyang dumaraan sa mga legal na proseso.
Inilabas ng Ombudsman ang pahayag matapos magsumite si Guteza ng affidavit na nagbawi sa kanyang mga naunang pahayag na naghatid umano siya ng mga maleta na may lamang pera sa bahay ni Romualdez.
Bukod dito, inakusahan ni Guteza sina Sen. Rodante Marcoleta at dating Rep. Mike Defensor na umano’y nagtulungan upang palakasin ang mga alegasyon laban kay Romualdez.
Para sa Ombudsman, hindi na bago ang pagbawi ng testimonya sa mga sensitibo at high-profile na kaso. Posible rin umanong gamitin ang recantation bilang paraan ng panggigipit sa mga saksi.
Binigyang-diin ng ahensya na hindi nito hahayaan ang anumang pagtatangkang hadlangan o pakialaman ang legal na proseso ng imbestigasyon.
Iginiit din ng Ombudsman na magpapatuloy ang pangangalap nito ng ebidensya at paghahanap ng katotohanan sa kabila ng pagbawi ng ilang testigo sa kanilang mga naunang pahayag.
Noong Hulyo 20, naghain ang mga imbestigador ng supplemental complaint-affidavit laban kina Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at iba pang respondent kaugnay ng mga kasong plunder, direct bribery, graft and corruption at money laundering.
Ayon sa mga imbestigador, iniuugnay sina Romualdez at Co sa umano’y magkakaugnay na pagkilos upang iligal na makalikom ng tinatayang P56 bilyon na ill-gotten wealth mula 2022 hanggang 2025.
Nauna nang naglahad si Guteza at iba pang mga saksi, kabilang ang ilang tinaguriang “maleta boys,” ng mga alegasyon hinggil sa umano’y paghahatid ng pera gamit ang mga maleta.
Sa kabila ng mga pagbawi sa testimonya, sinabi ng Ombudsman na hindi nito ititigil ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng korapsyon, partikular sa flood control projects.
