Photo caption : Sa mabukid na bahagi ng Viola highway, Barangay Talacsan, San Rafael, Bulacan natagpuan ang isang Multi Purpose Vehicle (MPV) kung saan sakay ang wala ng buhay na mag iina matapos itong abandonahin ng hindi pa tukoy na mga salarin.
TATLONG bangkay na pinaniniwalaang mag-iina ang natagpuan sa loob ng isang Toyota Veloz na iniwan sa isang bakanteng lote sa liblib na bahagi ng Viola Highway sa Barangay Talacsan, San Rafael, Bulacan nitong Huwebes ng hapon.
Ayon sa San Rafael Police Station (SRPS), nakatanggap sila ng impormasyon pasado alas-2 ng hapon tungkol sa isang kulay abong sasakyan na matagal umanong nakaparada sa lugar.
Agad na rumesponde ang mga pulis at nang inspeksyunin ang sasakyan, natuklasan nila ang tatlong bangkay na nakahimlay sa likurang bahagi nito.
Sa paunang imbestigasyon, isang 31-anyos na babae ang isa sa mga biktima, kasama ang dalawa niyang anak na edad siyam at apat na taon.
Nagpunta rin sa lugar ang mga opisyal ng barangay matapos makatanggap ng ulat hinggil sa inabandonang sasakyan. Wala naman silang anumang impormasyon kung sino ang nag-iwan nito o kung paano napunta sa lugar ang mga biktima.
Ayon sa isang barangay official, nakatanggap siya ng tawag tungkol sa isang sasakyan na umano’y may pinatay sa loob. Nang makarating siya sa lugar, nadatnan na niya ang mga pulis na nagsasagawa ng imbestigasyon.
Hindi pa batid ng pulisya kung sino ang nasa likod ng krimen at kung ano ang naging motibo sa pagpatay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga suspek at mabuo ang buong pangyayari sa likod ng karumal-dumal na insidente.
