SULTAN KUDARAT, MAGUINDANAO DEL NORTE — Patay ang isang non-uniformed personnel (NUP) ng Sultan Kudarat Municipal Police Station matapos tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Dalumangcob nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Jonathan Juan, NUP ng Sultan Kudarat MPS at residente ng Pigcawayan, North Cotabato.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas-8:10 ng umaga nang pauwi na si Juan matapos ang kanyang duty sa himpilan.
Pagsapit niya sa National Road sa Barangay Dalumangcob, sinundan umano siya ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo bago paulanan ng bala.
Agad na isinugod ng mga rumespondeng kasamahan si Juan sa ospital, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Narekober naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar ang ilang basyo ng bala mula sa umano’y .45 caliber na baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa pamamaslang, gayundin ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.
