ZAMBALES — Inirekomenda ng Zambales Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na isailalim ang buong lalawigan sa state of calamity matapos ang malawakang pinsalang dulot ng pinalakas na southwest monsoon o habagat at mga bagyong Luis at Maymay.
Sa Resolution No. 02, Series of 2026 na pinagtibay noong Agosto 19 sa Provincial Capitol sa Iba, binigyang-diin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang matinding pagbaha, pagguho ng lupa, soil erosion, pagkasira ng mga bahay at kabuhayan, pagkaantala sa transportasyon, at pagkawasak ng mahahalagang imprastraktura.
Ayon sa PDRRMO Situational Report No. 23, nasa 5,770 pamilya o 17,317 indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad.
Kabilang sa pinakamalalang pinsala ang pagkawasak ng Sta. Fe Bridge sa San Marcelino, na tinangay ng malakas na agos ng ilog.
Dahil dito, naputol ang access papunta sa Barangay Sta. Fe at naapektuhan ang koneksyon ng mga komunidad sa hilaga at timog na bahagi ng ilog.
Nasa 119 residente ng Barangay Sta. Fe ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa pagbaha at inilipat sa mas ligtas na lugar.
Malawak din ang pinsala sa mga flood-control at river-protection structure sa ilang bayan, kabilang ang slope protection, river dike at iba pang pasilidad na panlaban sa baha.
Tinataya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umabot sa P390.22 milyon ang pinsala sa imprastraktura, habang tinatayang P966.25 milyon naman ang kakailanganin para sa recovery, rehabilitation at reconstruction.
Bukod dito, iniulat ng mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang tinatayang P96.85 milyon na karagdagang pinsala sa mga flood-control infrastructure, na mangangailangan naman ng humigit-kumulang P114 milyon para sa recovery.
Malaki rin ang naging epekto sa sektor ng agrikultura. Sa palay pa lamang, 1,007 magsasaka at 810.48 ektarya ng sakahan ang naapektuhan, na nagresulta sa tinatayang P11.22 milyon na pagkalugi.
Naitala rin ang pinsala sa high-value crops, livestock, fisheries, aquaculture, agricultural infrastructure, irrigation facilities, makinarya at kagamitan, na higit pang nakaapekto sa kabuhayan ng mga residente.
Ayon sa PDRRMC, nananatili ang banta ng masamang panahon sa Zambales, kabilang ang posibilidad ng panibagong pagbaha at pagguho ng lupa, kaya kinakailangan ang patuloy na paghahanda, pagtugon at recovery operations.
Nauna nang nagdeklara ng municipal state of calamity ang Masinloc sa bisa ng Municipal Resolution No. 217-26 noong Agosto 17 dahil sa malawakang pagbaha, pinsala sa ari-arian at pagkaantala sa mga pangunahing gawain.
Iginiit ng provincial disaster council na ang pagkasira ng mahahalagang imprastraktura, partikular ang Sta. Fe Bridge at mga flood-control facility, ay nangangailangan ng interbensyon sa antas ng buong lalawigan.
Ayon sa konseho, makatutulong ang province-wide declaration upang mapalakas ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng response, relief, early recovery at rehabilitation efforts.
Pormal na inirekomenda ng PDRRMC sa Sangguniang Panlalawigan ng Zambales ang pagdedeklara sa buong lalawigan bilang state of calamity.
Saklaw ng rekomendasyon ang mga apektadong bayan at komunidad at susuportahan ng mga pinakabagong situational report, damage assessment, needs analysis at ulat hinggil sa pinsala sa imprastraktura at agrikultura.
Inatasan din ng konseho ang patuloy na validation at updating ng damage, loss and needs assessment upang maging batayan sa mga hakbang para sa recovery, rehabilitation at reconstruction.
Ang resolusyon ay pinagtibay at pinatunayan ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Rolex E. Estella at inaprubahan ni Gov. Hermogenes E. Ebdane Jr., chairman ng PDRRMC.
