MAAGANG nagpa-plano ang Quiapo Church para sa Nazareno 2027 matapos tumagal nang halos 31 oras ang Traslación ngayong taon—pinakamahaba sa kasaysayan.
Ayon kay Fr. Ramon Jade Licuanan, rector at parish priest ng Quiapo Church, inaasahang milyon-milyong deboto ang muling dadagsa kaya kailangan nang paghandaan ang seguridad, crowd control at iba pang logistics.
Nakikipag-ugnayan na rin ang simbahan sa PNP, militar at Malacañang upang matiyak na magiging maayos, ligtas at taimtim ang pagdiriwang.
Isa sa malaking hamon ang siksikan dahil sa napakaraming deboto at makikitid na kalsada sa Maynila.
Para naman mabawasan ang dagsa sa Maynila, hinihikayat ng simbahan ang mga diyosesis sa buong bansa na magsagawa ng lokal na selebrasyon sa ilalim ng “Dalaw Nazareno” program.
Namamahagi rin ng mga replika ng Poong Nazareno sa ibang bansa, kabilang ang United States, upang mapalawak ang debosyon ng mga Pilipino.
Ang tema ng Nazareno 2027 ay “Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon” mula sa Juan 1:23.
Ayon kay Licuanan, hindi lamang crowd management ang layunin ng programa kundi ang mas mapalawak ang pananampalataya at debosyon kay Jesus Nazareno.
Samantala, binuksan na rin ng Quiapo Church ang public contest para sa opisyal na logo ng Nazareno 2027, na nakapagtala na ng 40 entries.
