KALABOSO ang isang 33-anyos na Chinese national matapos umanong magpanggap na Filipino at gumamit ng ID ng isang Pinoy.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), dinakip ng kanilang Intelligence Division ang dayuhan noong Agosto 7 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos dumating mula China sakay ng Xiamen Airlines.
Kinilala lamang ng BI ang suspek sa alyas na “Lin.”
Nabuking umano ang dayuhan matapos makatanggap ng intelligence information ang BI na siya rin ang Chinese national na gumagamit ng Filipino identity na “Lin.”
Pagdating sa NAIA, agad siyang sumailalim sa beripikasyon at imbestigasyon ng mga immigration intelligence operative. Nakumpirma ang kanyang tunay na pagkakakilanlan sa pamamagitan ng kanyang Chinese passport na may ibang Chinese name.
Dahil dito, inaresto siya dahil sa umano’y misrepresentation at fraud, paglabag sa immigration laws, at dahil itinuring siyang isang undesirable foreign national.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga operatiba sa mabilis na pagkilos at intelligence work na naglantad sa umano’y paggamit ng dayuhan ng pekeng Filipino identity.
Binigyang-diin ni Viado na seryosong usapin ang pagpapanggap na Filipino dahil maaari itong makompromiso ang mga sistema ng pagkakakilanlan at iba pang government records.
Samantala, nananatili sa kustodiya ng BI si “Lin” habang inihahanda ang deportation proceedings laban sa kanya.
Kapag napatunayang lumabag sa immigration laws, maaari siyang tuluyang ipadeport at ma-blacklist sa Pilipinas.
