CAVITE — TIMBOG ang isang 29-anyos na South Korean national na pinaghahanap sa kanilang bansa dahil umano sa pagkakasangkot sa pagpapatakbo ng mga ilegal na online gambling website.
Kinilala ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na si Kim Youngsun, na inaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa isang residential area sa Governor Ferrer Drive, Barangay Buenavista I, General Trias, Cavite noong Agosto 7.
Isinagawa ang operasyon katuwang ang South Korean authorities at Philippine National Police-Intelligence Group (PNP-IG).
Ayon sa mga awtoridad, may arrest warrant laban kay Kim na inilabas ng Incheon District Court sa South Korea noong Abril 22, 2025, dahil umano sa pagtatayo at pagpapatakbo ng isang cyber gambling house na paglabag sa batas ng kanilang bansa.
Lumilitaw sa impormasyon na ibinahagi sa Philippine authorities na sangkot umano si Kim sa operasyon ng 23 ilegal na online gambling websites na pinatatakbo mula sa mga tanggapan sa Pasay City at Quezon City simula Nobyembre 2018.
Nagsilbi umano siyang assistant manager ng support team at nangangasiwa sa ilang operational units ng gambling operation.
Tinatayang umabot sa KRW 5.33 trilyon o ilang daang bilyong piso ang kinita umano ng sindikato mula sa illegal online sports betting at iba pang sugal.
Dahil dito, naglabas ang Interpol ng Red Notice laban kay Kim noong Hunyo 2025.
Bukod sa kasong kinakaharap sa South Korea, lumitaw din sa records ng BI na overstaying foreign national si Kim matapos lumampas ang kanyang awtorisadong pananatili sa Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patunay ang pagkakaaresto kay Kim na patuloy ang pakikipagtulungan ng ahensya sa mga lokal at international law enforcement agencies para matunton ang mga dayuhang pugante na nagtatangkang magtago sa bansa.
Dinala na si Kim sa BI para sa booking at dokumentasyon at pansamantalang ikinulong sa BI Warden Facility habang isinasagawa ang custodial proceedings laban sa kanya.
