IPINAIIMBESTIGAHAN ng Land Transportation Office (LTO) at Bureau of Customs (BOC) ang isang mamahaling Porsche 918 Spyder matapos lumitaw ang umano’y paggamit ng hindi awtorisadong plaka at malaking diperensya sa deklarasyon nito nang i-import sa bansa.
Nagsimula ang kaso matapos makatanggap ng report ang LTO tungkol sa umano’y ilegal na paggamit ng plaka. Dahil dito, naglabas ang ahensya ng Show Cause Order noong Agosto 13.
Makalipas ang apat na araw, boluntaryong isinuko sa LTO ang Porsche at agad itong inilagay sa kustodiya ng ahensya.
Humarap din sa LTO ang driver at nagsumite ng kanyang Verified Answer. Isinuko rin niya ang kanyang driver’s license na sinuspinde nang 90 araw bilang preventive measure habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nang busisiin ang records ng sasakyan, humingi ng tulong ang LTO sa BOC at doon lumitaw ang umano’y malaking problema sa importation documents.
Batay sa Customs records, noong Setyembre 2021 ay idineklarang brand-new Porsche Boxster ang sasakyan. Pero sa Certificate of Payment at unang LTO registration, nakalagay itong Porsche 918 Spyder.
Kapansin-pansin din ang malaking agwat sa halaga ng sasakyan.
Ang idineklarang dutiable value ng Porsche Boxster ay nasa ₱3.26 milyon, habang ang Porsche 918 Spyder ay may tinatayang dutiable value na ₱48.02 milyon.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, mas pinahihigpit ng ahensya ang paggamit ng automated systems at pakikipag-ugnayan sa ibang government agencies upang matukoy at mapigilan ang mga ganitong posibleng iregularidad.
Sinisilip ngayon ng BOC ang posibleng paglabag sa Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Samantala, nananatiling lead agency ang LTO sa imbestigasyon. Nasa kustodiya nito ang Porsche habang inaayos ang turnover sa BOC para sa kaukulang Customs proceedings.
Iginiit ng LTO at BOC na patuloy nilang paiigtingin ang koordinasyon upang maprotektahan ang kita ng gobyerno at matiyak na nasusunod ang mga batas sa pagpaparehistro at pag-aangkat ng mga sasakyan.
