SINUSPINDI ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nang 30 araw ang operasyon ng isang pampasaherong jeepney na sangkot sa nakamamatay na aksidente sa San Mateo, Rizal noong Agosto 20.
Naglabas na rin ang LTFRB ng Show Cause Order (SCO) laban sa operator ng jeepney at inatasan itong isuko ang plaka bago ang unang pagdinig sa kaso sa Setyembre 4.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng jeepney habang iniimbestigahan ang insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng jeepney na may plakang TWS 560 habang sinisikap ng driver na makapagsakay pa ng mga pasahero.
Nag-overtake umano nang sunod-sunod ang driver at napunta sa kabilang linya ng kalsada hanggang sa makasalubong nito ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang 43-anyos na babae.
Sa lakas ng banggaan, nagtamo ng malubhang pinsala ang rider at agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital. Gayunman, idineklara siyang patay dahil sa tindi ng kanyang mga tinamong sugat.
Sa inilabas na SCO, pinagsusumite ng LTFRB ang operator ng notarized na paliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang prangkisa dahil sa mga umano’y paglabag, kabilang ang pagkuha o pagpapagamit ng jeepney sa isang reckless driver.
Hiwalay naman ang imbestigasyon ng LTFRB sa isinasagawang police investigation para matukoy ang posibleng criminal liability ng driver.
Nagpaabot ng pakikiramay si Pua sa pamilya ng nasawing rider at tiniyak na paiigtingin at bibilisan ng LTFRB ang imbestigasyon upang mapanagot ang mga responsable.
Samantala, iniutos ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez sa LTFRB na tiyaking mailabas agad ang insurance assistance para sa pamilya ng biktima.
