SINUSPINDI ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng isang pampasaherong bus na nakuhanan ng video na nag-counterflow habang tumatawid sa isang tulay.
Agad na kumilos ang LTO sa direktiba ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao matapos lumabas ang video ng insidente na nagpakita sa bus na umokupa sa kabilang linya ng kalsada.
Dahil dito, naglabas ang LTO ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at itinalagang driver ng bus.
Batay sa video, tumawid umano ang bus sa kabilang lane kahit may solid yellow line sa kalsada na nagbabawal sa pag-overtake at pagdaan sa kabilang linya.
Ayon sa LTO, maaaring magdulot ng malubhang aksidente ang ganitong gawain dahil inilalagay nito sa panganib ang mga kasabay at kasalubong na motorista.
Pinagpapaliwanag ng ahensya ang operator at driver at inatasang humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa Agosto 28, 2026 para sa pagdinig at pagsusumite ng sinumpaang paliwanag at mga kaukulang dokumento.
Posibleng maharap ang driver sa mga kasong Reckless Driving, Disregarding Traffic Sign at Obstruction of Traffic.
Maaari rin umanong masuspinde o mabawi ang kanyang lisensya dahil sa pagiging hindi karapat-dapat na magmaneho ng sasakyan.
Samantala, maaaring panagutin ang rehistradong may-ari sa umano’y pag-empleyo ng reckless, insolent at arrogant driver, gayundin sa paglabag sa mga kondisyon ng prangkisa.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inilagay na sa alarm status ng LTO ang bus.
Inatasan din ang driver na agad na isuko ang kanyang lisensya sa IID na isinailalim sa 90-araw na preventive suspension.
Nagbabala naman si Lacanilao na hindi palalampasin ng LTO ang mga driver na naglalagay sa panganib sa buhay ng ibang motorista.
Patuloy ding hinihikayat ng ahensya ang publiko na ireport ang mga paglabag sa batas trapiko upang agad na maaksyunan ng mga awtoridad.
