TULUYANG lumubog sa karagatan ng Botolan, Zambales ang isang tugboat na ilang araw nang isinasagawa ang pagkukumpuni, habang isinasagawa ang emergency salvage operation nitong Lunes ng umaga, Agosto 24.
Ligtas ang lahat ng 10 tripulante na sakay ng tugboat at walang naiulat na nasugatan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Agad na tumalon sa dagat ang mga crew nang mapansin nilang tuluyan nang lumulubog ang kanilang sinasakyang sasakyang-dagat.
Bago ito lumubog, isinadsad muna sa pampang ang tugboat matapos pasukin ng tubig ang butas sa hull nito. Dahil dito, napuno ng tubig ang engine room kaya isinailalim ito sa salvage operation upang mailipat sa mas ligtas na lugar.
Bandang 7:46 ng umaga nang tuluyang mangyari ang insidente habang hinihila palayo sa pampang ang tugboat.
Habang hinihila, unti-unti itong tumagilid sa kanang bahagi hanggang sa tuluyang lumubog sa tinatayang 24 metrong lalim.
Mas pinatutukan ngayon ng PCG ang insidente dahil may kargang tinatayang 15,000 litro ng diesel ang tugboat.
Bagama’t sinabi umanong buo pa ang fuel tank, patuloy na mino-monitor ang lugar dahil sa posibilidad ng pagtagas ng langis.
Nagpatupad na rin ng shoreline patrol sa paligid ng pinaglubugan at sa kahabaan ng Bucao River. Nakaantabay din ang mga absorbent pad sakaling may makitang bakas ng diesel sa tubig.
Samantala, iniimbestigahan pa ng PCG ang dahilan ng paglubog.
Sa paunang imbestigasyon, may narinig umanong malakas na kalabog bago tuluyang lumubog ang tugboat. Sinusuri kung tumama ito sa mga nakalubog na metal debris, kabilang ang bahagi ng isang dating lumubog na sasakyang-dagat.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na nakaapekto sa insidente ang maalong kondisyon ng dagat.
Nakikipag-ugnayan na ang PCG sa operator, kapitan at iba pang concerned stakeholders para sa susunod na hakbang, lalo na sa ligtas na paghawak sa 15,000 litro ng diesel na karga ng lumubog na tugboat.
