CEBU — IMBES na pumasok sa klase, sa himpilan ng pulisya nagtapos ang isang 20-anyos na college student matapos nitong magbiro na may bomba sa kanyang bag habang iniinspeksyon ng security guard sa gate ng isang unibersidad sa Argao City nitong Martes.
Nangyari ang insidente pasado alas-3 ng hapon, Agosto 25, sa main entrance ng paaralan.
Habang kinakapkapan at iniinspeksyon ang kanyang bag, pabirong sinabi umano ng estudyante sa guwardiya: “Baka may bomba diyan at sumabog.”
Hindi naman nagbiro ang security guard sa sinabi at agad itong itinuring na seryosong banta.
Isinumbong ng guwardiya ang insidente sa Student Affairs Office (SAO), dahilan upang makialam ang Dean of Student Affairs at ipagbigay-alam ito sa pulisya.
Kalaunan, isinuko ang estudyante sa Argao Police Station para sa imbestigasyon.
Ayon kay Police Staff Sergeant Mark Anthony Dicdican, imbestigador ng Argao Police Station, pormal nang nagsampa ng reklamo laban sa estudyante nitong Miyerkules, Agosto 26.
Nahaharap ang estudyante sa kaso sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, na nagpaparusa sa malisyosong pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba at iba pang pampasabog.
Paalala ng pulisya, hindi dapat ginagawang biro ang mga pahayag tungkol sa bomba dahil maaari itong magdulot ng pangamba at kaguluhan at humantong sa kasong kriminal.
Maging sa paaralan, paliparan, pampublikong sasakyan o iba pang lugar, maaaring managot sa batas ang sinumang magbibiro o magpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba.
