NAUWI sa pagkakaaresto ang isang social media influencer na kilala bilang “Julia TV” matapos salakayin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang bahay sa isang anti-drug operation sa Barangay 10, Bacolod City, nitong Martes, Agosto 25, 2026.
Kinilala ang suspek na si Joselito Peruelo, na gumagamit umano ng pangalang “Julia TV” sa social media. Kasama rin sa operasyon ang kanyang live-in partner na si Christian Tolentino, na kapwa dinakip ng mga awtoridad.
Isinagawa ang operasyon pasado alas-3 ng hapon sa kanilang tahanan sa Purok Magtiayon.
Sa operasyon, nakumpiska ng PDEA ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu, na sinasabing may high value sa street market.
Makikita sa operasyon na emosyonal si Peruelo habang nakaposas kasama ang kanyang partner at isinasagawa ng mga operatiba ang pag-iimbentaryo sa mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga.
Dinala ang dalawang suspek sa kustodiya ng PDEA para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasagawa ng mga kinakailangang proseso.
Nahaharap sina Peruelo at Tolentino sa posibleng mga kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kaugnay ng pagkakasamsam sa hinihinalang shabu.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan at posibleng iba pang sangkot sa ilegal na aktibidad.
