MANILA — Posibleng pumalo sa 5.5% hanggang 6.5% ang inflation ngayong Agosto, ayon sa pagtataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa BSP, kabilang sa maaaring magtulak pataas sa presyo ang bigas, gulay, prutas at isda, lalo na dahil sa epekto ng masamang panahon.
Maaari ring makadagdag sa inflation ang mataas na presyo ng domestic fuel, na patuloy na nakaaapekto sa gastos ng mga consumer at negosyo.
Gayunman, inaasahang makapagpapabagal sa pagtaas ng inflation ang mas mababang presyo ng karne, pagbaba ng singil sa kuryente at paglakas ng piso.
Patuloy namang babantayan ng BSP ang galaw ng presyo at iba pang economic data bago gumawa ng mga hakbang para mapanatiling kontrolado ang inflation.
Sinabi rin ng BSP na susuriin nito ang posibleng epekto ng mga bagong kaganapan sa Middle East at mga nagdaang sama ng panahon sa inflation at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Samantala, hinihikayat ang publiko na manatiling alerto sa posibleng pagbabago ng presyo ng pangunahing bilihin ngayong buwan.
