ARESTADO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 34-anyos na Chinese national na umano’y may koneksyon sa mga dating operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kinilala ng BI ang suspek bilang si Xie Yingwen, na dinakip noong Agosto 6 sa Yulo St., Barangay 16, Bacolod City.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Joel Anthony Viado matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga government intelligence source hinggil sa kinaroroonan ng suspek.
Sa pakikipag-ugnayan sa Negros Occidental Police Provincial Office at Bacolod City Police Station 1, agad na dinakip ng BI intelligence agents si Xie sa labas ng isang residential area.
Wala umanong maipakitang anumang identification card ang suspek nang siya ay arestuhin. Napag-alaman din ng BI na overstaying alien siya matapos mabigong ma-extend ang kanyang visa.
Ayon sa BI, inamin ni Xie na dati siyang nagtrabaho sa Maynila bilang nagtitinda ng pagkain at prutas.
Itinuring din ng BI si Xie bilang undesirable alien dahil sa umano’y pagkakasangkot o koneksyon nito sa online gaming operations.
Ayon kay Viado, mahalaga ang koordinasyon ng BI sa mga lokal na pulisya at intelligence agencies para matunton ang mga dayuhang iligal na nananatili sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Hindi lamang sa Metro Manila nakasentro ang aming operasyon,” ani Viado.
Agad namang dinala si Xie sa BI holding facility sa Bicutan, kung saan mananatili siya habang humaharap sa deportation proceedings.
