TIMBOG ang isang 34-anyos na babaeng tenant matapos umano nitong tangayin ang mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit ₱1 milyon sa isang condominium sa South Triangle, Quezon City.
Arestado ang suspek matapos rumesponde ang mga tauhan ng Kamuning Police Station (PS-10) ng Quezon City Police District (QCPD) sa reklamo ng biktima nitong Agosto 27, 2026.
Ayon sa imbestigasyon, napansin ng biktima na nawawala ang tatlong pouch na naglalaman ng mga alahas na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,007,000 at nakalagay sa kanyang pink sling bag.
Bago ito, nakita umano ng biktima ang suspek na nasa loob ng kanyang kuwarto at nagme-makeup, kahit ang nakatalagang tulugan nito ay nasa sala ng unit.
Umalis umano ang suspek sa condominium matapos nito, dahilan para siyasatin ng biktima ang tinutuluyang bahagi nito.
Doon umano natagpuan ang dalawang bracelet chain na nakalagay sa maliit na transparent zip-lock bag. Natagpuan din malapit sa kama ng suspek ang susi ng kuwarto ng biktima.
Naiwan naman ang isang Buddha pendant na nagkakahalaga ng ₱250,000, ngunit nawawala umano ang katambal nitong kuwintas.
Nang malaman ng biktima na bumalik ang suspek sa lobby ng condominium, agad siyang humingi ng tulong sa pulisya.
Rumesponde ang mga tauhan ng PS-10 at doon na inaresto ang suspek. Dinala sa himpilan ang magkabilang panig para sa imbestigasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda na ang pagsasampa ng reklamo laban sa suspek para sa Theft (Salisi) sa tanggapan ng piskal.
