ARESTADO ang isang 18-anyos na lalaki matapos umanong pagbantaan at gamitin sa sexual exploitation ang kanyang 17-anyos na nobya sa San Jose de Buenavista, Antique.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Robert,” na nadakip sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Antique Provincial Cyber Response Team (PCRT) ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) noong Agosto 23, 2026.
Humingi ng tulong sa pulisya ang menor de edad, kasama ang kanyang guardian, matapos umano siyang pagbantaan kaugnay ng kanyang mga pribadong larawan at video.
Batay sa imbestigasyon, unang umanong niligawan at minanipula ni Robert ang biktima hanggang sa maging magkasintahan sila.
Habang magkasintahan, hiniling umano ng suspek na i-record ang kanilang intimate encounter gamit ang cellphone ng biktima. Pumayag umano ang dalaga dahil sa paniniwalang mananatiling pribado ang naturang video.
Ngunit noong Agosto 16, matapos ang kanilang pagtatalo, umano’y nagbanta ang suspek na ipapamahagi sa ibang tao ang kanilang pribadong video.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natuklasan din umano na nakakuha ang suspek ng hindi awtorisadong access sa iCloud account ng biktima, na nagbigay sa kanya ng access sa mga intimate recording na nakaimbak dito.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang digital evidence sa pagtukoy at paghuli sa mga gumagamit ng teknolohiya upang manakot, manipulahin o pagsamantalahan ang mga bata.
Nahaharap si Robert sa kasong Grave Coercion sa ilalim ng Article 286 ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act No. 11930, o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act of 2022, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012 o RA 10175.
Patuloy ang proseso ng batas laban sa suspek habang pinoprotektahan naman ng mga awtoridad ang menor de edad na biktima.
