PATULOY na taglay ang lakas ng Tropical Depression “Pilandok” habang kumikilos pahilagang-kanluran sa Philippine Sea, ayon sa PAGASA nitong Lunes, Agosto 31.
Huling namataan ang sentro ng Pilandok sa layong 1,145 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 70 km/h.
Kumikilos ito sa bilis na 10 km/h patungong west-northwest.
Ayon sa PAGASA, posibleng maging tropical storm si Pilandok pagsapit ng Martes, Setyembre 1. Inaasahan namang mananatili itong tropical storm habang patungo sa southern Japan.
Sa kabila nito, mababa ang posibilidad na mag-landfall sa bansa dahil mananatiling malayo ang bagyo sa kalupaan ng Pilipinas.
Posibleng halos maging stationary muna si Pilandok sa Philippine Sea, silangan ng Extreme Northern Luzon, sa susunod na 36 oras bago muling kumilos pahilagang-kanluran.
Inaasahang tuluyan itong lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Miyerkules ng hapon o gabi, Setyembre 2.
Wala namang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang bahagi ng bansa.
Gayunman, nagbabala ang PAGASA na mananatili ang epekto ng habagat, na magdadala ng malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin sa malaking bahagi ng bansa.
Inaasahan ding magiging maalon hanggang napakaalon ang ilang karagatan, partikular sa western seaboards ng Babuyan Islands at Ilocos Norte, kung saan maaaring umabot sa 4.5 metro ang taas ng mga alon.
Pinayuhan ang mga marino at operator ng maliliit na sasakyang-dagat, kabilang ang mga motorbanca, na iwasang pumalaot sa mga lugar na may mapanganib na kondisyon ng dagat.
