TUMANGGING mag- plea si Senador Jinggoy Estrada nang humarap sa Sandiganbayan nitong Huwebes kaugnay ng kinakaharap niyang kasong plunder at graft na nagkakahalaga ng tinatayang P573 milyon.
Dahil sa pagtanggi ng senador na magpasok ng plea, ang Fifth Division ng Sandiganbayan mismo ang nagpasok ng not guilty plea para kay Estrada.
Humarap sa korte si Estrada na may saklay matapos siyang magtamo ng injury sa kaliwang tuhod na naging dahilan upang mahirapan siyang maglakad.
Noong nakaraang linggo, isinugod ang senador sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City dahil sa matinding pananakit ng tuhod.
Ayon sa kanyang doktor na si Dr. Jose Fernando Syquia, bigla umanong nakaramdam si Estrada ng pagkapunit o pagkalagutok sa kanyang tuhod nang tumayo mula sa pagkakaupo.
Dahil dito, nahirapan umano siyang maglakad at nakaranas ng matinding pananakit.
Si Estrada na lamang ang natitirang akusado sa graft case na nakabinbin sa Fifth Division matapos payagan ng korte ang hiling ng Office of the Ombudsman na alisin si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan bilang co-accused at gawin itong state witness.
Samantala, sa hiwalay na pagdinig, pinayagan naman ng Third Division si Senador Rodante Marcoleta na sumailalim sa isang araw na medical check-up.
Humiling ang kampo ni Marcoleta ng medical furlough matapos iulat na mayroon siyang Stage 2 hypertension at enlarged prostate.
Pinagbigyan naman ng korte ang kahilingan.
“The court will grant the request,” pahayag ni Associate Justice Karl Miranda, chairperson ng Third Division.
Nahaharap naman sa kasong plunder sina Marcoleta, dating Rep. Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray kaugnay ng umano’y P75 milyong campaign donation na tinanggap ni Marcoleta noong siya ay party-list lawmaker pa.
Sa isinagawang arraignment, kapwa not guilty ang naging plea ng lahat ng akusado sa naturang plunder case.
