Source: CIO Sto. Tomas
BATANGAS — NAGING makulay at masigla ang pagdiriwang ng ika-7 Cityhood Anniversary ng Lungsod ng Sto. Tomas sa idinaos na Siglahan Dance Festival 2026, kung saan nagtagisan sa talento, enerhiya at malikhaing pagtatanghal ang mga kalahok mula sa iba’t ibang cluster ng lungsod.
Itinanghal na Champion ang Cluster 1, na binubuo ng Poblacion 1, Poblacion 2, Santiago, San Rafael at Sta. Anastacia.
Nasungkit naman ng Cluster 6, na kinabibilangan ng Sta. Ana, San Jose, San Juan, San Agustin at San Joaquin, ang 1st Runner-Up, habang itinanghal na 2nd Runner-Up ang Cluster 3, na binubuo ng San Miguel, San Vicente, San Pablo, San Felix at Sta. Elena.
Bukod sa pangkalahatang kompetisyon, nagkamit din ng parangal ang Cluster 3 bilang Best in Streetdance, habang si Sofia Jayzel Cabatay naman ang kinoronahan bilang Reyna ng Siglahan. Samantala, naiuwi ng Cluster 1 ang titulong Best in Costume.
Higit pa sa isang kompetisyon sa pagsasayaw, naging tampok sa Siglahan Dance Festival ang mayamang kultura, malikhaing talento at pagkakaisa ng mga Tomasino. Sa pamamagitan ng makukulay na kasuotan, musika at makabuluhang pagtatanghal, naipakita ng mga kalahok ang kanilang pagmamalaki sa lungsod at sa kanilang mga komunidad.
Pinangunahan ang pagdiriwang ni Mayor Atty. Arth Jhun Aguilar Marasigan (AJAM), katuwang si Vice Mayor Catherine Jaurigue-Perez at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod. Nakiisa rin sa programa ang mga katuwang na komite ng Sangguniang Panlungsod, Office of the Vice Mayor, Office of the Secretary to the Sanggunian at City Social Welfare and Development Office.
Ipinakita ng Siglahan Dance Festival 2026 na ang sama-samang pakikilahok ng mamamayan ay mahalagang bahagi ng pagbuo ng isang mas masigla, makulay at nagkakaisang lungsod.
Sa bawat kumpas at hakbang, ipinamalas ng mga Tomasino ang kanilang talento at kultura, kasabay ng sama-samang pagdiriwang ng ika-7 anibersaryo ng pagiging lungsod ng Sto. Tomas
