MANILA —HINDI papayagang maging taguan ng mga takas sa batas ang Pilipinas.
Ito ang mensahe ng House Committee on Justice sa gitna ng panukalang baguhin ang dekada nang sistema ng extradition sa bansa.
Sa pagtalakay ng House Bills 6303 at 7133, isinusulong ang pagpapalit sa Presidential Decree No. 1069 o Philippine Extradition Law ng isang mas modernong Philippine Extradition Act.
Ayon kay Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, kailangang palakasin ang sistema upang mas maging mabilis at epektibo ang paghabol sa mga pugante—ngunit nananatiling protektado ang due process, karapatang pantao at Konstitusyon.
Iginiit din ni Luistro na dapat maging dalawang-daan ang extradition—hindi lamang tumatanggap ang Pilipinas ng kahilingan mula sa ibang bansa, kundi dapat ding mas mapadali ang pag-uwi sa bansa ng mga dayuhang wanted sa mga korte ng Pilipinas.
Kasabay nito, tinutukan din ng komite ang mga panukalang magpapataas sa kompensasyon ng mga biktima ng maling pagkakakulong at marahas na krimen.
Sinabi ng mga mambabatas na luma na ang halagang itinakda sa RA 7309 noong 1992 at malaki na ang ibinawas ng inflation sa tunay nitong halaga.
“Ang isang piso noong 1992 ay hindi na katumbas ng isang piso ngayon,” diin ni Negros Oriental Rep. Janice Degamo.
Ipagpapatuloy ng komite ang pagdinig sa mga panukala sa Setyembre 10.
