ANIM na katao ang arestado matapos salakayin ng mga awtoridad ang limang establisimyento na umano’y gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng plaka ng sasakyan sa Quezon Boulevard, Davao City noong Huwebes, Setyembre 3.
Umabot sa 64 pekeng plaka ang nakumpiska sa operasyon, bukod pa sa mga computer, machine tools at iba’t ibang materyales na ginagamit umano sa paggawa ng mga ilegal na plaka.
Kabilang sa mga nakuha ang mga martilyo, cutter, steel plate, sticker cutter, plain sheets at improved flat screws na sinasabing ginagamit sa pagbuo at pag-imprenta ng mga plaka.
Tinarget ng operasyon ang Pogz Art and Sign, Eschat Art and Sign Tailoring, Sticker Art and Sign, WMT Printing Services at Magnorms Advertising Services.
Pinangunahan ng LTO Field Enforcement Division at Law Enforcement Service ang pagsalakay, katuwang ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group, Regional Intelligence Division 11 at Davao City Police Office.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, hindi lamang mga motorista na gumagamit ng pekeng plaka ang tinututukan ng kanilang kampanya kundi pati ang mga gumagawa at kumikita mula sa ilegal na negosyo.
“Hindi lamang namin hinuhuli ang gumagamit ng pekeng plaka. Hinahanap namin kung saan ito ginagawa at kung sino ang kumikita sa ilegal na negosyong ito,” ani Lacanilao.
Dinala sa Davao City Police Station ang anim na suspek at sinampahan ng mga kasong paglabag sa Articles 172 at 176 ng Revised Penal Code, gayundin sa Section 12 ng Republic Act No. 11235, na inamyendahan ng RA 12209 o Motorcycle Crime Prevention Act.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang operasyon upang matukoy kung may iba pang sangkot sa paggawa at distribusyon ng mga pekeng plaka.
