MAHIGIT ₱3.2 milyon halaga ng hinihinalang smuggled petroleum products at sigarilyo ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa magkahiwalay na operasyon sa Southern Leyte at Sulu nitong Setyembre 3.
Dalawang suspek ang naaresto sa Sogod, Southern Leyte, habang 21 master cases ng hinihinalang puslit na sigarilyo naman ang nakumpiska sa Pangutaran, Sulu.
Sa Sogod, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng CIDG Southern Leyte Provincial Field Unit at Sogod Municipal Police Station dakong alas-5:30 ng hapon.
Nasamsam mula sa operasyon ang 10,000 litro ng diesel, 5,000 litro ng premium gasoline at 14,000 litro ng unleaded gasoline, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2.18 milyon.
Kapwa nasa hustong gulang at mga Pilipino ang dalawang naaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang legal na proseso.
Samantala, sa Pangutaran, Sulu, natagpuan ng mga pulis ang 21 master cases ng hinihinalang smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.029 milyon.
Iniwan umano ang mga kontrabando at dinala sa police station para sa wastong dokumentasyon at kalaunan ay iturn-over sa Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy ang operasyon ng pulisya laban sa ilegal na kalakalan upang maprotektahan ang mga lehitimong negosyo at komunidad.
“Hindi papayagang sirain ng ilegal na kalakalan ang lehitimong negosyo,” diin ni Nartatez, kasabay ng pangakong paiigtingin ang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya.
