INANUNSYO ng Malacañang nitong Miyerkules ang libreng toll passage para sa lahat ng sasakyan sa piling bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) bilang ayuda sa mga motorista na naipit sa matinding trapiko dulot ng pagbaha sa Pampanga.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ipinatupad ang toll waiver kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matulungan ang mga motorista at pasaherong naapektuhan ng matinding trapiko sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.
Sinabi ni Castro na inihayag ni Transportation Acting Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na libre ang toll para sa lahat ng sasakyang bibiyahe mula Pulilan, Bulacan patungong San Fernando, Pampanga, at pabalik.
“Magpapatuloy ang libreng toll fee hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon sa NLEX,” ani Castro.
Tinitingnan din ng Malacañang ang posibilidad na palawakin ang sakop ng libreng toll para maisama ang mga motorista mula sa iba pang lugar na apektado ng matinding trapiko.
Samantala, pinasalamatan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga toll operator sa patuloy na pagbibigay ng libreng daan sa mga provincial bus at sasakyang nagdadala ng mga produktong agrikultural bilang bahagi ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program ng administrasyon.
Inatasan din ng DOTr at Toll Regulatory Board (TRB) ang NLEX Corporation na magbigay ng pagkain at inuming tubig sa mga motorista na matagal nang nakatigil sa trapiko.
Bukod dito, ipinag-utos din sa NLEX Corporation na maglagay ng mga portable toilet para sa mga stranded na motorista habang hindi pa bumabalik sa normal ang sitwasyon sa expressway.
