MARIING binatikos ng Department of National Defense (DND) ang isang artikulo ng Chinese state media na kumukuwestiyon sa pag-aari ng Pilipinas sa Batanes.
Ang kontrobersiya ay sumiklab matapos ilathala ng Global Times noong Setyembre 3 ang opinion piece na nagsasabing hindi umano kabilang sa teritoryo ng Pilipinas ang Batanes.
Sa artikulong isinulat ni Wang Yuanyuan, assistant research fellow ng National Institute for South China Sea Studies, iginiit na batay umano sa kasaysayan at batas ay bahagi ng Taiwan ang mga isla at wala umanong legal na batayan ang Pilipinas para angkinin ang mga ito.
Iginiit din ng Chinese state media na matagal nang may mga Chinese na nanirahan sa Batanes at mayroon umanong malalim na ugnayang pangkasaysayan at pangkultura ang mga residente nito sa Taiwan.
Pero mabilis itong sinalag ng DND at tinawag na “state-sponsored propaganda” ang naturang pahayag.
Ayon sa kagawaran, bahagi ito ng umano’y patuloy na kampanya ng China na magpakalat ng mga naratibong kumukuwestiyon sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.
Mariing iginiit ng DND na hindi kailanman naging bahagi ng China ang Batanes o alinmang teritoryo ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng kagawaran na hindi nito hahayaang maapektuhan ang karapatan ng bansa sa sariling teritoryo dahil lamang sa mga pahayag o artikulong inilalabas ng Chinese state media.
“Hindi kailanman naging bahagi ng Tsina ang Batanes o anumang lugar sa Pilipinas,” diin ng DND.
Iginiit pa ng kagawaran na mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol sa soberanya at teritoryal na integridad ng bansa laban sa anumang pagtatangka na kuwestiyunin o angkinin ang teritoryo nito.
