TULUYAN nang sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman si Bureau of Fire Protection (BFP) Director Jesus Fernandez matapos mapatunayang nagkasala sa administrative case kaugnay ng pagtanggap umano ng P14.7 milyon cash mula sa supplier na nakakuha ng kontrata para sa mga ambulansya ng BFP.
Bukod sa dismissal, isinampa rin ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang graft at bribery charges laban kay Fernandez at sa isang pribadong contractor.
Batay sa imbestigasyon, nakatanggap umano si Fernandez ng kabuuang P14.752 milyon mula sa contractor habang sangkot siya sa proseso ng procurement.
Kabilang dito ang P10.752 milyon cash delivery noong Nobyembre 21, 2024 at isa pang P4 milyon noong Setyembre 25, 2025.
Sa administrative case, pinanagot si Fernandez sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service—mga kasong parehong may parusang dismissal.
Hindi lang trabaho ang nawala kay Fernandez. Kasama sa parusa ang pagkansela ng kanyang eligibility, forfeiture ng retirement benefits, at permanenteng diskuwalipikasyon sa muling pagpasok sa serbisyo ng gobyerno.
Samantala, sinabi ng Ombudsman na may prima facie evidence para kasuhan si Fernandez ng dalawang bilang ng indirect bribery at dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(b) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos ang fact-finding investigation ng Task Force BFP Accountability kaugnay ng procurement ng 132 Type 1 Basic Life Support ambulances.
Ang kontrata ay iginawad sa Toyota Mabolo, na nakipag-joint venture sa Autozone Prime Distributors Inc.
Binigyang-diin ng Ombudsman na hindi ordinaryong opisyal lamang si Fernandez dahil mahalaga ang kanyang papel sa procurement process—una bilang chairman ng Bids and Awards Committee (BAC) at kalaunan bilang head of the procuring entity.
Ayon sa Ombudsman, ang pagtanggap ng pera, regalo o anumang konsiderasyon mula sa mga taong may interes sa kanyang opisyal na tungkulin ay maaaring magdulot ng duda sa kanyang integridad at makasira sa kredibilidad ng buong ahensya.
Kinasuhan din si Rosaverna Palairon Sangga, designated representative ng joint venture ng Toyota Mabolo at Autozone Prime Distributors Inc., ng dalawang bilang ng Corruption of Public Officials sa ilalim ng Article 212 ng Revised Penal Code.
