HINDI nakalusot sa Pilipinas ang dalawang Amerikanong may mga rekord ng pagkakasangkot sa sekswal na pang-aabuso sa mga bata, matapos silang harangin at ipadeport ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na insidente sa mga paliparan.
Una na ang kaso ni Daniel Anthony Welch, 53, isang Amerikanong dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Agosto 20 sakay ng United Airlines mula San Francisco.
Batay sa rekord ng BI, nahatulan si Welch sa Estados Unidos noong 2006 dahil sa sexual assault at paulit-ulit na pang-aabuso sa isang bata. 14-anyos lamang ang biktima sa naturang kaso.
Dahil sa kanyang criminal record, hindi siya pinayagang makapasok sa bansa at agad na ibinukod o ini-exclude ng BI alinsunod sa probisyon ng immigration law laban sa mga dayuhang itinuturing na banta o makapipinsala sa public interest.
Samantala, nauna namang hinarang ng BI noong Agosto 16 sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang isa pang Amerikano na si Christopher Jon Plowman, 57.
Dumating si Plowman sakay ng Eva Air mula Taipei ngunit hindi rin siya pinayagang makapasok matapos makumpirma ng BI ang kanyang criminal record sa Estados Unidos kaugnay ng isang kasong kinasasangkutan ng isang bata, kung saan nahatulan siya noong 2005.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, malinaw ang mensahe ng dalawang kaso: walang lugar sa Pilipinas ang mga dayuhang may rekord ng sekswal na pang-aabuso sa mga bata.
