MANILA — Nanawagan si PPP party-list Rep. Harold Duterte ng pananagutan sa mga sangkot sa kontrobersiya sa flood control projects kasunod ng pagsasampa ng kaso ng Office of the Ombudsman laban kay dating House Speaker Martin Romualdez at dating Committee on Appropriations Chair Zaldy Co.
Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na bagama’t welcome development ang pagsasampa ng kaso, hindi ito dapat ituring na tagumpay o dahilan upang ipagdiwang.
“Today is not a victory or a day to celebrate about. It is a welcome step, but only a baby step in sorting out this mess,” ani Duterte.
Ayon sa mambabatas, matagal nang nasa pambansang atensyon ang isyu, kabilang ang mga imbestigasyon sa Kamara at Senado, pagbuo ng isang independent commission, at ilang buwang pagsisiyasat at case-building ng Ombudsman.
Gayunman, iginiit niyang marami pang tanong ang hindi nasasagot.
“The ICI report and other reports have not been made public, and Former Sec. Manuel Bonoan was just recently admitted as state witness. Progress has been ambiguous and there are still more questions than answers,” saad niya.
RELASYON O TUNGKULIN?
Binigyang-diin din ni Duterte ang kahalagahan ng patas at malayang imbestigasyon, lalo na sa gitna ng umano’y relasyon ng Ombudsman at ni Romualdez.
“Gilauman namo nga dili mopabor ang relasyon kaysa sa katungdanan,” pahayag niya, na nangangahulugang umaasa silang hindi mananaig ang relasyon kaysa sa tungkulin.
Para kay Duterte, ang anumang hakbang tungo sa pananagutan ay dapat tanggapin, ngunit hindi sapat ang pagsasampa lamang ng kaso upang masabing nalutas na ang problema.
“MALUOY MO SA MGA KATAWHAN”
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nanawagan ang mambabatas na unahin ang kapakanan ng publiko sa gitna ng kontrobersiya.
“Maluoy mo sa mga katauhan. Undangan na,” aniya.
Ang pahayag ay nangangahulugang: “Maawa kayo sa mga tao. Itigil na ninyo.”
Binigyang-diin ni Duterte na hindi dapat hintaying lumala pa ang epekto ng problema bago kumilos ang mga kinauukulan.
“Huwag na natin hintayin na malunod tayo sa baha.”
