HINDI pinagbigyan ang asylum application ni dating presidential spokesperson Harry Roque, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes.
Sinabi ni Remulla na maaari nang kumilos ang pamahalaan para matunton at maaresto si Roque sakaling maglabas ang International Criminal Police Organization (Interpol) ng Red Notice laban sa kanya.
Si Roque ay wanted kaugnay ng kasong human trafficking na iniuugnay sa isang Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Pampanga.
Batay sa mga ulat, nagtungo si Roque sa Austria at doon naghain ng asylum application matapos umanong igiit na nakararanas siya ng political persecution sa Pilipinas.
“Na-deny ang asylum application ni Harry Roque. Tapos na yung five months. Kung may Interpol red notice na, kukunin ko siya,” ani Remulla sa isang press briefing sa Camp Crame.
Ipinaliwanag ni Remulla na ang limang buwang nabanggit niya ay tumutukoy sa karaniwang panahon ng pagproseso ng asylum application.
Gayunman, hindi niya agad matukoy kung aling bansa ang pormal na tumanggi sa aplikasyon ni Roque.
Samantala, ang Interpol Red Notice ay isang international request para sa mga law enforcement agency na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang wanted person habang hinihintay ang extradition, surrender o iba pang legal na proseso.
Sa ngayon, nakadepende ang susunod na hakbang ng pamahalaan sa status ng anumang Red Notice o iba pang legal na proseso laban kay Roque.
