IBINASURA ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang mosyon ni Vice President Sara Duterte na humihiling sa presiding judge na umatras sa paghawak sa kasong grave threats laban sa kanya.
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang naging aksyon ng korte, ngunit umiwas itong magbigay ng iba pang detalye dahil sa umiiral na sub judice rule.
“We note the Court’s order denying the motion to inhibit by the accused,” pahayag ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez.
Sa ilalim ng sub judice rule, iniiwasan ang mga pahayag o komentaryong maaaring makaimpluwensya o makapagbigay ng pagkiling sa isang kasong nakabinbin at dinidinig ng korte.
Kinumpirma rin ng kampo ni Duterte na natanggap nila ang kautusan ng RTC-Quezon City Branch 98 na tumatanggi sa kanilang mosyon para sa inhibition.
Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ng bise presidente, gagamitin ni Duterte ang lahat ng legal na remedy na available sa kanya.
“We confirm receiving the RTC-Quezon City, Branch 98’s order denying our motion for inhibition of the Honorable Presiding Judge. The Vice President will exercise all available remedies,” ani Lim.
Sinabi rin ng abogado na nakatanggap sila ng hiwalay na kautusan na nag-uutos sa magkabilang panig na mahigpit na sumunod sa sub judice rule at iwasang talakayin sa publiko ang merito ng kaso.
Binigyang-diin ni Lim na patuloy nilang igagalang ang kautusan ng korte at susundin ang mga itinakdang proseso.
“We will continue to comply, consistent with the Vice President’s respect for the rule of law,” dagdag niya.
