NAGPASOK ng plea na “not guilty” si dating House Speaker Martin Romualdez sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y ₱7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng flood control.
Isinagawa ang arraignment ni Romualdez nitong Miyerkules ng umaga sa Sandiganbayan Third Division sa pamamagitan ng teleconferencing. Nakadetine siya sa New Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas.
Sa parehong pagdinig, ibinasura ng korte ang mosyon ni Romualdez na mailipat sa isang tertiary government hospital.
Ayon kay Associate Justice Karl Miranda, chairperson ng Third Division, ang mosyon na inihain ng kampo ni Romualdez noong Setyembre 14 ay “denied for lack of merit.”
Sinabi ni Miranda na batay sa pagsusuri ng mga doktor mula sa Philippine General Hospital (PGH), stable na ang kondisyon ng dating Speaker.
“It must be emphasized that a mere invocation of ill health is not sufficient for the accused’s continued confinement in the hospital,” pahayag ni Miranda sa open court.
Nauna nang hiniling ni Romualdez na mailipat sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City, matapos siyang ma-confine nang halos isang linggo bago tuluyang makulong.
Kabilang sa mga kondisyong iniulat sa kanya ang hypertension, diabetes at sakit sa puso. Gayunman, sinabi ng korte na wala itong nakitang “imperative necessity” para ilipat siya sa isang tertiary hospital.
Noong Setyembre 7, naglabas ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban kay Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dalawa pang akusado sa plunder case.
Ayon sa mga prosecutor, ang umano’y ₱7.44 bilyong kickback ay nagmula sa mga contractor, indibidwal at entity na may interes sa flood control, infrastructure at iba pang government projects na pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Acts para sa fiscal years 2022 hanggang 2025.
Nauna nang sinabi ni Romualdez na haharapin niya ang mga kasong isinampa laban sa kanya at sasagutin ang mga ito sa tamang hukuman.
“I have always said that I will face the charges against me and answer them before the proper court. That has not changed,” ani Romualdez.
