LIFETIME ban ang inirekomendang hatol ng Land Transportation Office (LTO) sa lisensya ng GSM Taxi driver na inireklamo matapos umanong mangyari ang misconduct sa isang pasahero sa Parañaque City noong Setyembre 12, 2026.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang LTO at naglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver matapos umabot sa ahensya ang reklamo ng pasahero.
Batay sa salaysay ng biktima na unang inilabas sa programang Raffy Tulfo in Action, nakatulog umano siya habang bumibiyahe sakay ng taxi at hindi siya ibinaba sa kanyang itinakdang destinasyon.
Sa halip, ibinaba umano siya sa ibang lugar kung saan naganap ang iniulat na misconduct. Nakaligtas ang pasahero at kalaunan ay nagsampa ng reklamo laban sa driver.
Nakatulong sa pagkilala sa driver ang CCTV footage at mga detalye ng booking ng pasahero, kabilang ang pagkakakilanlan ng taxi driver.
Pinagharap ng LTO ang driver at ang registered owner o operator ng sasakyan sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Setyembre 24, 2026 para sa imbestigasyon at pagtatanong.
Inatasan din silang magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kasama ang mga kaukulang dokumento, bilang tugon sa mga alegasyong nakapaloob sa SCO.
Samantala, maaaring maharap sa kaukulang kaso ang registered owner o operator ng taxi sa ilalim ng Joint Administrative Order (JAO) 2014-01, kabilang ang Employing Insolent or Discourteous Driver at Breach of Franchise Conditions, sakaling mapatunayang nagkasala.
Bukod dito, inirekomenda rin ng LTO na patawan ng lifetime ban ang driver sa pagkuha o muling pagkuha ng driver’s license kung mapatutunayang nagkasala sa mga paglabag na may kaugnayan sa insidente.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Lacanilao, hindi palalampasin ng ahensya ang mga driver na umaabuso o nagsasamantala sa kanilang mga pasahero.
Iginiit niyang malaking pananagutan ang pagmamaneho ng pampublikong sasakyan dahil ipinagkakatiwala ng mga pasahero ang kanilang kaligtasan sa mga driver.
