SINUSPINDI ng Land Transportation Office (LTO) nang 90 araw ang lisensya ng driver ng isang itim na sedan na nasagi ng rumespondeng fire truck sa Macabulos Street, Barangay Bangkal, Makati City noong Sabado, Setyembre 12, 2026.
Kumalat sa social media ang video ng insidente kung saan makikitang pilit na dumaraan ang fire truck sa masikip na bahagi ng kalsada habang patungo sa isang sunog.
Ayon sa paunang impormasyon, naging mahirap para sa mga bombero ang pagdaan dahil sa mga sasakyang nakaparada at naka-double park sa magkabilang panig ng kalsada.
Sa pagtatangkang makadaan, nasagi ng fire truck ang itim na sedan at nagkaroon ng pagkasira sa bahagi ng sasakyan.
Sa kabila ng insidente, ipinagpatuloy ng mga bombero ang kanilang pagresponde sa sunog. Pagdating sa lugar, kontrolado na umano ang apoy at usok na lamang ang kanilang nadatnan.
Matapos ang insidente, naglabas ang LTO ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver at rehistradong may-ari ng sedan.
Pinagharap ang mga ito sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa Setyembre 18 upang magsumite ng kanilang mga sinumpaang salaysay o sworn explanation.
Bukod sa SCO, ipinatupad din ang 90-araw na preventive suspension sa lisensya ng driver habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon sa LTO, maaari pang mauwi sa pagkansela o pagbawi ng lisensya kung mapatutunayang hindi karapat-dapat ang driver na magmaneho, kabilang ang posibleng pananagutan sa pagharang o ilegal na pagparada na nakahahadlang sa emergency vehicles.
Samantala, pinag-uusapan din online kung sino ang dapat managot sa pinsalang tinamo ng sedan.
Bagama’t may mga probisyon sa Fire Code of the Philippines na nagbibigay sa mga bombero ng kapangyarihang gumawa ng kinakailangang hakbang upang makarating agad sa lugar ng emergency, sinabi na ang pananagutan sa pinsala ay nakadepende pa rin sa resulta ng imbestigasyon at aktuwal na pangyayari.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang pagkakapuwesto ng sedan at naging maniobra ng fire truck, upang matukoy ang kaukulang pananagutan.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na iwasang mag-double park o mag-iwan ng sasakyan sa mga lugar na maaaring makaharang sa daanan ng fire truck, ambulansya at iba pang emergency vehicle.
Sa oras ng sakuna, bawat segundong nasasayang sa kalsada ay maaaring katumbas ng buhay na hindi maisasalba.
