NAGHAIN ng kasong kriminal sa Office of the Ombudsman ang isang Tribal Chieftain ng Ayta Ambala Indigenous Cultural Community laban kay Subic, Zambales Councilor Sherill “She” Gutierrez at anim na iba pa kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng isang resolusyon upang bigyan ng awtoridad ang ilang indibidwal na kumatawan sa mga katutubong Aeta.
Base sa 13 pahinang reklamo ni Francis Santos, Tribal Chieftain ng Ayta Ambala, maliban kay Gutierrez isinama nito sa demanda ang anim pang indibibdwal na sina Evangeline Q. Rodriguez, Alex Hermoso, Roger Solomon, Salve Domingo, Linda Pulagay at Lea Ulila.
Nahaharap ang mga inireklamo sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, falsification at paggamit ng falsified document, estafa, grave misconduct at conduct unbecoming of a public official.
Ayon kay Santos, Setyembre 21, 2025 nang ipatawag ang dating Chieftain ng Ayta Ambala ICC na si Virgilio Delos Santos sa isang pulong na ginanap sa bahay na nagsisilbing opisina ni Gutierrez kasama ang ilang miyembro ng Ayta community at ipinakita ang isang dokumentong sinabing may kaugnayan sa Resolution No. 1, Series of 2025 ng Alyansa ng Katutubong Ayta ng Subic o AKAS.
Ang naturang dokumento ay pinirmahan nina Solomon, Domingo, Pulagay at Ulila na nagpapakilala bilang tribal chieftain o kinatawan ng kani kanilang grupo kahit wala umano silang authority.
May nilabag umano ang naturang resolusyon dahil hindi ito dumaan sa customary o nakasanayang proseso ng pagdedesisyon ng buong komunidad at hindi umano nila kinikilala ang resolusyon bilang isang lehitimong kasunduan.
Sa ginawang validation ng NCIP kamakailan lang, binanggit ni Delos Santos na inamin umano ni Solomon kay Rodriguez na hindi siya tribal chieftain o tribal official subalit lumagda pa rin siya sa dokumento..
Nakasaad din sa naturang resolusyon na sina Rodriguez at Hermoso ay binigyan umano ng “authority” upang kumatawan sa mga usapin ng IPs/ICCs sa Subic at magsilbing general advisers at consultants gayung walang naganap na community assembly sa hanay ng mga katutubo.
Ang naturang resolusyon at pagkakaroon ng authorization ng mga respondent ay nagkaroon ng panghihimasok sa usapin ng kanilang komunidad at ancestral domain, kabilang ang pagkuha ng kopya ng Certificate of Ancestral Domain Title o CADT.
Ayon pa kay Santos, malaki ang naging partisipasyon ni Gutierrez dahil sa mismong tanggapan nito na nagsisilbi ring opisina ng konsehala binuo at pinag usapan ang iregularidad sa resolusyon at ginamit nito ang kanyang posisyon at opisina bilang public officer sa sa ilalim ng RA 3019.
Dahil sa panghihimasok ni Gutierrez at ng kanyang kampo ay nagbigay ng “unwarranted benefit, advantage, o preference at nagdulot ito ng undue injury sa kanilang Indigenous Cultural Community (ICC).
