ISANG graft complaint ang inihain sa Office of the Ombudsman laban kay Laguna Gov. Sol Aragones at ilang provincial officials kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng isang government-funded review program na naglaan ng P15,500 para sa bawat benepisyaryo.
Inihain ni Laguna Board Member Lorenzo Zuñiga Jr. ang reklamo, kung saan inaakusahan sina Aragones at iba pang opisyal ng posibleng paglabag sa Section 3(e) at 3(g) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Isa sa mga pangunahing alegasyon sa reklamo ang umano’y pagpapalabas ng pondo para sa mga reviewee nang hindi isinagawa ang kinakailangang public bidding at procurement process.
Ayon kay Zuñiga, ipinatupad ang programa sa kabila umano ng mga guidance at limitasyong inilabas ng Provincial Legal Services Office, gayundin ng mga kundisyong itinakda sa awtorisasyong ipinagkaloob ng Sangguniang Panlalawigan.
Kinuwestiyon din sa reklamo ang ilang dokumentong isinumite ng mga benepisyaryo, kabilang ang diploma at certificate of indigency, na sinasabing may ilang kahina-hinalang dokumento na maaaring peke o hindi awtentiko.
Tinukoy rin sa complaint ang ilang provincial officials na umano’y naging bahagi ng proseso ng pagproseso, certification, approval at pagpapalabas ng pondo.
Isa pa sa mga alegasyon ay ang umano’y pag-uutos sa ilang benepisyaryo na isauli ang P15,500 na kanilang natanggap dahil gagamitin umano ang halaga sa pagbabayad sa isang pribadong review center.
Giit ng complainant, dapat umanong dumaan sa wastong procurement process ang pagkuha ng serbisyo sa halip na direktang ipamahagi ang pondo sa mga indibidwal na benepisyaryo.
Inihambing din sa reklamo ang halagang inilaan ng provincial government sa sinasabing halaga ng kaparehong serbisyo sa ibang review centers. Ayon sa complaint, may ilang review center umanong nag-aalok ng review program sa halagang nasa P6,000 kada reviewee, na mas mababa sa P15,500 na inilaan sa ilalim ng programa.
Samantala, kinuwestiyon din ni Zuñiga ang umano’y paggamit sa ilang local media workers na nasa job order (JO) status sa Provincial Information Office ng Laguna para sa mga gawaing may kaugnayan sa pagbatikos sa mga political opponent ng gobernador.
Gayunman, ang mga naturang alegasyon ay bahagi pa lamang ng reklamo at nakabinbin ang pagsusuri ng Ombudsman sa mga paratang at ebidensiyang isinumite ng complainant.
