MANILA — Hinimok ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ang Senado na pabilisin ang pagpasa ng panukalang tuluyang nag-aalis sa travel tax, lalo na’t papalapit na ang holiday travel rush.
Ayon kay Quimbo, malaking ginhawa sa mga pamilyang Pilipino ang pagtanggal sa naturang bayarin, partikular sa mga matagal nang nag-iipon para makapagbakasyon o makabisita sa mga kaanak sa ibang bansa.
“Palapit na ang holiday rush at marami na sa ating mga kababayan ang nagpaplano ng kanilang biyahe,” ani Quimbo.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, ₱1,620 ang travel tax na binabayaran ng bawat pasaherong sakop ng full economy-class rate.
Ibig sabihin, ₱6,480 agad ang bawas sa gastos ng isang pamilyang may apat na biyahero kung tuluyang aalisin ang travel tax.
“Para sa isang pamilyang ilang buwan nang nag-iipon para makabisita sa kanilang mga kamag-anak o makapagbakasyon, mahalaga ang bawat pisong matitipid,” sabi ni Quimbo.
Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8464 o Travel Tax Abolition Act of 2026 noong Marso 16 at ipinasa sa Senado kinabukasan.
Kabilang si Quimbo sa mga pangunahing may-akda ng panukala. Prayoridad din ito sa ilalim ng common legislative agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Bilang chairman ng House Committee on Ways and Means, pinangunahan din ni Quimbo ang pag-apruba ng komite sa panukala.
Gayunman, sinabi ng mambabatas na kailangang tiyakin na hindi maaapektuhan ang pondo para sa turismo, edukasyon at mga programang pangkultura na kasalukuyang sinusuportahan ng travel tax collections.
“Ang layunin natin ay mabawasan ang gastusin ng mga ordinaryong Pilipino, lalo na ngayong papalapit ang Pasko at Bagong Taon,” ani Quimbo.
