PANGUNGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga hakbang ng pamahalaan upang paghandaan ang posibleng matinding epekto ng El Niño sa bansa.
Kabilang dito ang paghahanda laban sa tagtuyot at posibleng kakulangan sa suplay ng tubig.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, personal na nagbibigay ng direktiba ang Pangulo sa mga ahensiyang sangkot.
“Siya (President Marcos) ang nangunguna kapag nagkakaroon ng meeting at siya ang nag-uutos kung ano ang dapat na gawin,” ani Castro sa briefing sa Malacañang nitong Huwebes.
Samantala, pinag-uusapan pa kung aling ahensya ang magsisilbing lead agency ng Task Force El Niño.
Kabilang sa mga ahensiyang naghahanda ang DOST-PAGASA, Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA), National Water Resources Board (NWRB), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Patuloy ang koordinasyon ng mga ahensya upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng El Niño sa tubig, agrikultura, pagkain at kabuhayan.
Ayon kay Castro, naghahanda rin ang pamahalaan ng pondo para sa El Niño response.
Kabilang sa mga prayoridad ang climate information, agrikultura at food security, irigasyon, suplay ng tubig at social protection.
Hinimok naman ng Palasyo ang publiko na makiisa sa paghahanda, lalo na sa pagtitipid ng tubig.
“Makakaasa kayo na ang gobyerno ay tumatalima sa kanilang tungkulin, pero of course, kailangan din natin ngayon ang tulong din ng ating mga kababayan kung paano kayo makapagtipid ng inyong tubig sa inyong kabahayan,” ani Castro.
Binigyang-diin ng Palasyo na mahalaga ang pakikiisa ng publiko habang naghahanda ang pamahalaan sa posibleng epekto ng El Niño.
Patuloy namang mino-monitor ng mga kaukulang ahensya ang kondisyon ng panahon at ang mga posibleng epekto nito sa bansa.
